Setyembre taong 2008. Ito ang muli naming pagkikita ng Dalampasigang ito, pumanaw ang aming Lola kaya kinailangang umuwi kami ng probinsya. Ito'y matatagpuan sa barangay ng Gabu, Lungsod ng Laoag, Ilocos Norte, kung saan ako lumaki, nagdalaga at nagsimulang mangarap.
Isang taon mula ng pumanaw ang aking ama nang ako'y simulang manirahan sa probinsyang ito . Taong 1992, ako'y nasa ika-limang baitang na noon, magkahalong takot at saya ang naramdaman ko nang malaman kong dito na ako maninirahan at mag-aaral. Takot, dahil malalayo ako sa aking pamilya at ibang tao na naman ang aking makakasalamuha. Saya, sapagkat makakapag-aral ako at di na malayong makamit ko ang aking mga munting pangarap. Ngunit hindi biro ang dinanas ko upang makapagtapos ng aking pag-aaral. Ginawa ko ang lahat upang matustusan ang iba kong pangangailangan. Naglabada't namalantsa sa murang edad, namasukang tagahugas ng pinggan sa isang restawran tuwing sabado't lingo, gumawa ng proyekto ng ibang tao at kung anu anu pang masasabi kong marangal na trabaho para lamang makaraos at makatapos.
Naalala ko noong ako'y unang sumama sa mga kalaro kong maligo sa dalampasigan na ito, hindi ako marunong lumangoy ngunit di ako nangamba sapagkat mayroong akong galon na may takip na alam kong magpapalutang sa akin sa tubig. Nagpakasaya ako, di ko inaakalang isa sa mga kaibigan ko ang magbibirong agawin sa akin ang galong yakap ko at hayaan akong malunod. Nagsimula akong kumampay, sumipa, makipagsapalaran upang di tuluyang malunod. Di ko namamalayang nakakapaglangoy na pala akong mag-isa, paunti-unti at ako'y nasa pampang na.
Alam kong may dahilan ang lahat kaya kinuha ng Diyos ang aming ama ng maaga na siyang nagsisilbing aking salbabida upang makapaglangoy sa malawak na karagatan. Alam ng Diyos na matutunan kong ikampay ang aking mga kamay sa gitna ng mga pagsubok na kanyang ibibigay. Sa kabila ng lahat ng ito'y alam ng Diyos na matutupad ko ang aking mga pangarap ng mag-isa. Ang mga malalakas na hampas ng alon ng dalampasigang ito ang nagturo sa akin maging malakas, matibay at maging mapursige sa buhay.
Ito ang aking kauna - unahang paglahok sa Litratong Pinoy sa temang "Maala-ala Mo Kaya?"

No comments:
Post a Comment